ni Romeo Palustre Peña
“Parang
hininga ang wika, sa bawat sandali ng buhay natin ay nariyan ito.
Palatandaan ito na buhay tayo, at may kakayahang umugnay sa kapwa nating
gumagamit din dito.”
—Bienvenido
Lumbera
Kapangyarihan ang wikang
Filipino sa Pilipinas. Kapangyarihan ang sariling wika. Isa ang sariling wika
sa bumubuo ng ating pagkatao. Nang dahil sa sariling wika, nagkakaroon tayo ng
tiyak at tunay identidad na hindi hiram sa iba. Nagiging ganap ang ating
pagkatao sapagkat malinaw ang nagbunsod nito—ang sariling wika at kultura.
Nagiging malaya tayo sa lipunang ating ginagalawan dahil ganap ang ating
pagkatao. Nagiging lubos ang kapangyarihan na sumasaklaw sa ating kamalayan
kung lubos din nating natatanggap ang sariling wika. Sang-ayon ito sa sinabi ni
Bienvenido Lumbera na ganito: “Sa pagtanggap natin sa wika, pumapaloob tayo sa
isang lipunan at nakikiisa sa mga taong naroon. Samakatuwid, ang kamalayan
natin bilang indibidwal ay karugtong ng kamalayan ng iba sa lipunan. Kapag may
kapangyarihang sumakop sa kamalayan ng kapwa natin sa lipunan, kasama tayong
napapailalim sa nasabing kapangyarihan.”
Ang sariling wika ay hindi
nakababawas ng katalinuhan at katanyagan kung gagamitin sa iba’t ibang larangan.
Kung ang usapin ay karunungan, maraming nag-aakala na mahina ang mga Filipinong
hindi nagsasalita ng wikang dayuhan partikular na ang mga taong hindi
nakapagsasalita ng matatas sa Ingles. Madalas silang maparatangang walang alam
o mas masakit, tinataguriang bobo. Isa itong masaklap na pangyayari. Ngunit
humihina na ang ganitong pagpaparatang dahil ginagamit ang wikang ito ng
kasalakuyang Pangulo at hindi naman ito nakabawas ng katalinuhan at katanyagan.
Sa kanyang mga talumpati at opisyal na pakikipagtalastasan sa taumbayan, buhay
na buhay ang wikang Filipino tulad ng pagsasabi niya sa kanyang SONA na malakas
ang bansang Pilipinas. Hindi ba’t napakaliwanag ang landas na tatahakin kung
kasabay ng malakas na Pilipinas ay malakas rin ang Filipino bilang matatag na
wikang pambansa?
Ang mga
Balakid sa Biyahe ng Wikang Filipino
Sa kabila ng pagpapatatag at
malawakang paggamit ng wikang Filipino, buhay na buhay pa rin ang maraming
isyung nagpapahina sa ating wikang pambansa. Mga dati nang isyung nagiging
dahilan kung bakit hindi umusad ang biyahe nito. Una na rito ay ang hindi
maayos na pamamahala ng edukasyon sa ating bansa at karaniwang nakakiling ang
mga administrador ng mga paaralan at pamantasan sa wikang Ingles dahil ito raw
ang wika ng mundo.
Pangalawa ang uri ng trabaho
na laganap sa Pilipinas, ang sunod-sunod na pagsulpot ng mga Business Process
Outsourcing (BPO) o mga call center na nangangailangan ng mga Pilipinong sanay
magsalita ng Ingles.
Pangatlo ang kakitiran ng
pag-iisip ng maraming edukador na hindi maaaring maging wikang panturo ang
pambansang wika. Hindi ito maaari sa edukasyon sa Pilipinas. Lagi nilang
sinasabi na Ingles lamang ang wika ng karunungan lalo na sa Agham at
Matematika. Dati pa itong isyu na hindi pa rin nila matanggap ang sagot dahil
nakabaling pa rin ang kanilang paningin sa wika ng mga dayuhan.
Pang-apat na isyu, ang
napakababang pagtingin ng mga mambabatas, maraming opisyal ng pamahalaan at
ilang kolonyal na Pilipino sa wikang Filipino. Marami sa kanila ang may maling
haka na wala itong lakas at hindi matatag para umangkop sa pangangailangan ng
Pilipinas sa maraming larangan, medisina, batas, enhinyerya at iba pang
malalaking larangan.
At ang huling isyu, kulang na
kulang daw sa mga sanggunian at kakaunti ang naisasaling karunungan mula
sa banyagang wika tungo sa wikang Filipino na kailangang–kailangan ng mga
estudyanteng Pilipino.
Ilan ito sa nagiging dahilan
kung bakit natatrapik ang biyahe ng wikang Filipino. Paulit-ulit na lamang ang
ganitong isyu na ipinupukol ng mga Pilipinong mahina ang pagkilala sa sariling
wika sa ating bansa. Kaya paulit-ulit na natatrapik ang ating identidad bilang
Pilipino.
Kalbaryo ng
Wikang Pambansa
Matinding kalbaryo ang sinapit
ng wikang Filipino lalo na ang nilagdaan sa panahon ng nakalipas na
administrasyong Macapagal-Arroyo ang Executive Order 210 (Establishing the
Policy to Strengthen the Use of English Language in the Educational System).
Pumasa rin sa kongreso ang House Bill 4701 (An act to Strengthen and Enhance
the Use of English as the Medium of Instruction in Philippine Schools) na
nagligaw sa wikang pambansa para humina at mawalan ng kabuluhan sa edukasyon sa
Pilipinas.
Totoo na ang Ingles ang wika
ng mundo para magkaunawaan ang iba’t ibang lahi sa daigdig ngunit hindi totoo
na wikang Ingles ang wika ng karunungan sa bansang may sariling kultura at
kabihasnan, lalo na’t ang bansang ito ay may sariling wika. Baluktot ang daang
tinutumbok ng mga Pilipinong hanggang sa kasalukuyan ay nagsusulong na sa
Ingles matatamo ang ganap na pagkatuto.
Kailangan pa ba ng maraming
sarbey na magpapatunay na hindi sa Ingles ganap na matututo ang mga Pilipino,
samantalang malinaw na sa SWS Survey noong 1993 na 18 porsyento lamang ng mga
Pilipino ang may ganap na kadalubhasaan sa paggamit ng wikang Ingles at
karamihan pa sa kanila'y lumaki sa Amerika at bumalik lamang dito sa Pilipinas.
Hindi pa yata sapat na batayan ito para mapanuto ang mga maka-wikang dayuhan.
Sa sumunod na sarbey ng SWS na may kinalaman sa Filipino noong December 1995,
sa tanong na gaano kahalaga ang pagsasalita ng Filipino? Lumabas sa sarbey na 2
sa bawat 3 Pilipino ang nagsasabing mahalagang-mahalaga ang pagsasalita ng
Filipino. Lumabas din na 71 porsyento ng nasa Luzon, 55 porsyento ng nasa
Bisaya at 50 porsyento ng nasa Mindanao ang sumagot na mahalagang–mahalaga ang
pagsasalita ng Filipino. Sapat itong batayan na mahalagang-mahalaga ang wikang
Filipino saanmang panig ng Pilipinas. Sa sarbey ring ito nalaman ang pulso
hinggil sa wikang Filipino ng mga Pilipinong nasa uring ABC (o mga mayayaman,
angat at maykaya sa buhay), 73 porsyento sa kanila ang nagsabing
mahalagang-mahalaga ang pagsasalita ng Filipino. Matatag itong basehan na hindi
lamang ang nasa uring D at E (o mga mahihirap at hikahos sa buhay)
mahalagang-mahalaga ang Filipino. Bilang dagdag, sa sarbey rin ng SWS noong
abril 8-16 1998, tinanong ang 1,500 na Pilipino sa iba’t ibang panig ng
Pilipinas kung ano ang unang wika nila sa tahanan, 35 porsyento ang ang nagsabi
na Filipino, 24 porsyento ang nagsabi na Cebuano, 11 porsyento ay Ilonggo, 8
porsyento ay Kapampangan, 5 porsyento ay Ilokano, samantalang 1 porsyento
lamang sa buong bansa ang nagsabi na Ingles ang una nilang wika sa
tahanan. Kung ang resulta ay pumapabor sa Filipino bilang unang wika sa
tahanan, hindi ba’t sa bansang Japan, South Korea, Belgium, Czeck Republic at
Slovakia, ang wikang ginagamit nila sa edukasyon ay ang unang wika na natutuhan
nila sa tahanan at ang wikang kanilang ginagamit sa pang-araw-araw na buhay.
Mapapansing sila ang nanguna sa Third International Maths and Science study
noong 1997—ibig sabihin magagaling ang kanilang estudyante sa larangan ng Agham
at Matematika. Ang kanilang sikreto, gumagamit sila ng wikang hindi nalalayo sa
kanilang identidad–ang sarili nilang wika.
Bukod sa SWS, mapapansing
kahit sa pag-aaral ng isang iskolar na Hapones na si Koichiro Nakahara noong
Enero 2005 malinaw na hindi Ingles ang namamayaning wika sa Pilipinas. Aniya,
“The national language of the Philippines is Filipino. The official languages
are Filipino and English. English has been being used there since the beginning
of the 20th century but it has not been easy to popularize by the Filipino
there.” Lumalabas sa kanyang sarbey na may 139 na Filipinong tagatugon, 35
porsyento ang nagsabing dapat Filipino lamang ang opisyal na wika sa Pilipinas
samantalang 2 porsyento lamang ang nagsabi na dapat Ingles lang at 61 porsyento
ang nagsabi na Filipino at Ingles. Pinatunayan din ng resulta ng kanyang sarbey
na hindi pareho ang Tagalog at Filipino dahil lampas sa kalahati o 51
porsyento ang nagsabi na magkaiba ito.
Kung mapapanood ang
dokumentaryo ng I–Witness na may pamagat na “Don’t English Me” ni Howie
Severino. Nabanggit doon na lampas sandaang taon na nating inaaral ang wikang
Ingles ngunit bakit haggang sa kasalukuyan ay tila walang katatasan sa
pagsasalita ng wikang Ingles ang mga Pilipino. Pamali-mali pa rin ang marami sa
atin sa pagbaybay ng salitang Ingles. Ipagdidiinan naman ng mga maka-Ingles na
hindi raw kasi siniseryoso ng maraming Pilipino ang pag-aaral ng wikang Ingles
kaya walang ganap na pagkatuto. Baluktot ang kanilang punto. Hindi kasi natural
na dumadaloy sa kaisipan ng mga batang Pilipino ang dayuhang wika kaya mahirap
maging matatas sa paggamit ng wikang iyon. Nahihirapan ang isang batang
nag-uumpisa pa lamang ng pag-aaral sa elementarya na maunawaan ang leksyong
pinag-aaralan nila sa klase lalo na kung itinuturo ito sa wikang hindi
niya nakasanayan o nakagisnan. Nagreresulta tuloy ito ng mataas na drop-out
rate, tinatamad nang mag-aral ang mga bata dahil hindi naman lubos na
nauunawaan ang wika ng guro lalo na sa Agham at Matematika. Sa pagtataya nga sa
kasalukuyan, sa 100 batang tumutuntong sa elementarya, 70 porsyento lamang ang
nakatatapos. Sa mga nagtapos ng elementarya, 90 porsyento ang makapapasok sa
mataas na paaralan at paglipas ng apat na taon ay 46 porsyento lamang ang
magmamartsa at sila lamang ang makatutungtong sa mga unibersidad o kolehiyo.
Mapapansing wala pa sa kalahati ang magtatapos sa kolehiyo. Ang masama nito,
marami sa mga hindi nakapag-aral ang nagiging kriminal at nagiging problema ng
bansa. Ang mga nagtuloy naman sa pag-aaral ay masasabing hilaw ang pagkatuto,
kung pag-uusapan ang wika—hindi na matatas sa wikang nakagisnan ay unti-unting
nalimutan at hindi na ito napahalagahan. Mali kasi ang sistema ng edukasyon sa
Pilipinas, bata pa lamang ay isinusubo na ang wikang dayuhang mahirap maunawaan.
Wala naman talaga sa wikang
dayuhan ang pagkatuto ng mga Filipino kundi nasa sariling wika. Pagpapatunay
nga ng isang edukador na Canadian na si Phil Bartle, “Sa pag-aaral ng basikong
literasiya, ang wikang gagamitin ay base sa kung ano ang karaniwang
naiintindihan at alam ng pamayanan. Walang isang wika ang pinakamahusay kaysa
sa iba.” Kung babalikan din natin ang kasaysayan ng Pilipinas, nang ipinag-utos
ng mga Amerikano noong 1901 na gawing opisyal na wikang panturo ang wikang
Ingles sa mga paaralan sa Pilipinas, makalipas lamang ang dalawampu’t limang
taon ay nabatid agad ng Amerikano sa pamamagitan ng pag-aaral ng Monroe
Educational Survey Commission na hindi naging matagumpay ang pagkatuto ng
mga Pilipino gamit ang wikang Ingles sa kanilang pag-aaral. Dahil dito
ipinag-utos din noong 1931 na wikang vernakular na ang gagamiting wikang
panturo sa elementarya.
Matagal na dapat nating alam
na ang wikang dayuhan ang isa sa dahilan ng pagkaligaw nating mga Pilipino sa
daan ng karunungan. Noon pa sinasabi at ipinaalala ng isa pang Pambansang
Alagad ng Sining para sa Panitikan na si Virgilio Almario na,
“Kailangang-kailangan na natin ang Filipino sa edukasyon at opisyal na
talastasan. Pero ayaw nating harapin ang tawag ng taumbayan.”
Pagsakay sa
Tatag ng Filipino Bilang Wika ng mga Pilipino
Umiiral sa realidad sa
Pilipinas na ang Filipino ay wikang panlahat. Nandyan ito, umiiral at ginagamit
sa araw-araw na pakikipagtalastasan ng mga Pilipino. Mga Pilipino ang kusang
tumanggap nito bilang wikang pambansa at naging katangi-tangi ang tatag nito
dahil ito ang wika ng lipunang Pilipino. Kaugnay ito sa sinabi ni Pamela
Constantino na, “Ang anumang kapangyarihan o puwersa ng wika ay itinalaga ng
institusying sosyal.” Hindi maitatangging malakas sana ang puwersa at
kapangyarihan ng wikang Filipino sa maraming larangan tulad ng edukasyon,
batas, agham, teknolohiya at iba pa, ang kaso pinahihina at binabansot ng
paniniwala ng nagkukunwang edukado at maraming politiko sa ating bansa.
Isang simpleng sitwasyon ang
maaaring maging halimbawa na maraming nagkukunwang edukado ang salat pa rin ang
kaalaman pagdating sa usapin hinggil sa ating sariling wika. Sa panahon na
nililitis si dating Presidente Joseph Estrada sa kasong pangungurakot. May
isang sitwasyon na nagpapakita ng maling pagtanaw sa wika ng mga mambabatas sa
Pilipinas kaya hindi ito maisulong nang husto bilang wika sa larangan ng batas.
Noong tinanong ni Hilario Davide (isang Cebuano), ang saksing si Emma Lim kung
anong wika ang nais niyang gamitin sa pagtestimonya, sumagot si Lim na sariling
wika ang gagamitin niya—ang Tagalog. Nakapagtataka ang sinabi ni Davide na wala
silang interpreter mula Tagalog tungong Ingles, sa Filipino tungong Ingles ay
mayroon. Tila hindi batid ni Davide ang pinagdaanang kasaysayan ng wikang
Filipino. Dahilan kaya ang pagiging Cebuano niya? Ngunit nang magsalita si
Senador Franklin Drilon na isang Ilonggo, sabi niya, hindi na kailangan ng
interpreter sapagkat lahat naman sila ay mauunawaan ang testimonya kahit sa
Tagalog.
Nabanggit din ni Constantino
na taglay ng wika ang kakayahang baguhin ang paniniwala ng isang indibidwal. Sa
pakikipag-ugnayan gamit ang wika, maraming bagay ang maaaring magbago.
Kunsabagay, marami nang pangyayari sa Pilipinas na kinakitaan ng malaking
pagbabago tungo sa pagsusulong ng wikang Filipino.
Ang matibay na halimbawa ay
noong Agosto 20, 2007, tatlong korte sa Lungsod ng Malolos ang nagdesisyong
gumamit ng Filipino sa paglilitis upang maisulong ang pambansang wika.
Labindalawang istenograpo mula sa hukuman 6, 80 at 81 bilang modelong korte
gamit ang wikang pambansa ang sumailalim sa pagsasanay sa Marcelo H. del
Pilar College of Law ng Bulacan State University bilang pagsunod sa direktiba
ng Korte Suprema ng Pilipinas hinggil sa paggamit ng Wikang Filipino sa
istenograpiya. Pangarap noon ng dating Punong Mahistrado na si Reynato Puno na
pati sa Laguna, Cavite, Quezon, Nueva Ecija, Batangas, Rizal at Metro Manila ay
maipatupad ang paggamit ng sariling wika sa paglilitis.
Dati pa man, sa sanaysay ni
Virgilio Almario na may pamagat na “Filipino ang Filipino” nabanggit na niya ang
maraming pagsisikap at eksperimento sa paggamit ng Filipino sa gawaing
akademiko. Aniya, maraming gurong pasimuno sa mga unibersidad, lalo na sa UP,
Ateneo de Manila, at De La Salle. Nangunguna raw si Dr. Virgilio Enriquez sa
mga orihinal na saliksik sa sikolohiya sa wikang Filipino. Itinuro ni Fr. Roque
Ferriols ang pilosopiya sa Filipino. Isinalin ni Judge Cesar Peralejo ang
kodigo sibill at kodigo penal. Lumikha ng diksyonaryo sa kemika si Dr.
Bienvenido Miranda at sa Medisina si Dr. Jose Reyes Sytangco. May libro sa
ekonomiks si Dr. Tereso Tullao, Jr. sa wikang Filipino. May mga nagtuturo ng
matematika sa Filipino. At marami nang jornal at monograp sa iba’t ibang
disiplina na nakalathala sa Filipino. Kaya hindi totoo na kulang na kulang sa
sanggunian at kakaunti ang naisasaling karunungan mula sa banyagang wika tungo
sa wikang Filipino. Katunayan, patuloy ang Sentro ng Wikang Filipino ng
Unibersidad ng Pilipinas sa paglalathala at pagpondo sa mga aklat na nasa
Filipino. Nasabi na rin dati pa ni Almario, “Kung ang usapin ay ang paglilimbag
ng mga materyales sa pag-aaral na nakasulat sa sariling wika, walang demand
kaya hanggang ngayo’y walang pabliser na nagpapasimuno sa paglalathala ng aklat
sa wikang Filipino sa iba’t ibang larangan.”
Ang lahat ng nabanggit na
halimbawa ng pagsisikap tungo sa ikauunlad ng pagkatuto sa iba’t ibang larangan
ay dahil sa puwersa at kapangyarihan ng wikang umiiral at nandyan lang. Hindi
na dapat nating ipagtaka kung paano nagawa ang pagsasalin at pagpapabukal ng
karunungan sa ibat’ ibang larangan gamit ang wikang Filipino. Angkop na angkop
ito sa pananaw ni Umberto Eco sa kanyang sanaysay na “Language, Power, Force”
binanggit niya, “We
must not be amazed then to hear people say that the given language is power...
because outside the given language there is nothing.”
Pagtahak at
Pagtalunton sa Wika at Edukasyon sa Pilipinas
Naging pugad ng anomalya ang
edukasyon sa Pilipinas sa mga nakalipas na taon. Naging gatasan ito ng
ilang opisyal ng gobyerno na naging mitsa ng panganganib ng kalidad ng
edukasyon ng mga Pilipino. Ilan sa anomalya ng DepEd ay ang noodles scam noong
2007, ang noodles na nagkakahalaga ng 18 pesos bawat isa. Ang textbook scam na
isiniwalat ni Antonio Go kung saan bumili ang gobyerno ng mga aklat na hindi dumaan
sa maayos na bidding at ebalwason na nagdulot ng mababang uri ng mga aklat
ngunit napakamahal ang presyo. Nakasasagabal ang ganitong pangyayari sa
Pilipinas upang maabot natin sa taong 2015 ang inihain ng United Nations na
Education for All (EFA) o Edukasyon para sa Lahat, higit pa yatang lumalala ang
baku-bakong landas na tinatahak ng edukasyon sa Pilipinas. Kahit bumuo noong
2007 ang nakaraang administrasyong Macapagal-Arroyo sa pamamagitan ng Executive
Order 652 ang Presidential Task Force on Education (PTFE) upang matugunan ang
EFA, wala itong nagawa dahil patuloy na bumagsak ang literacy rate o antas ng
pagkatuto ng mga Filipino. Sa datos nga ng NSO noong 2011 apat sa sampung
kabataan ang hindi marunong bumasa at sumulat.
Batay sa mga datos na nakalap
ni Dr. Edberto Villegas, sa panahon ni Macapagal-Arroyo, kalunos-lunos ang
kalagayan ng mga estudyante at guro sa mga pampublikong paaralan sa Pilipinas.
Nasaliksik niya na batay mismo sa estadistika ng gobyerno, may kakulangan ng
49, 000 na klasrum at may 2, 381, 943 na mga desk/armchairs sa ating mga
paaralan. Ang ratio ng bilang ng libro sa mga estudyante ay 0.33 sa mga
pampublikong paaralang pang-elementarya at 0.6 sa hayskul. Nananatili rin ang
kababaan ng sahod ng mga guro ayon sa datos ng Alliance of Concerned
Teachers o ACT. Ang 500,000 guro sa elementarya at sekondaryang pampublikong
paaralan ay sumasahod lamang mula 4, 000 hanggang 6, 000 bawat buwan.
Bukod sa mga nabanggit na mga
anomalya at suliranin sa edukasyon. Nananatiling suliranin sa larangang ito ang
hindi pagtanggap ng maraming edukador sa wikang Filipino bilang wikang panlahat
at wikang panturo.
Ayon kay Bienvenido Lumbera,
“Sa kasalukuyan, nagkapuwang na ang wikang Filipino sa kurikulum. Hindi pa ito
ang kinikilalang wikang panturo, pero may lugar na ito sa paaralan. Nakapasok
na sa akademya ang wika ng masa. Bagamat ang marami sa mga maykapangyarihan ay
nagmamatigas pa rin na sa Ingles lamang nagaganap ang tunay na edukasyon ng
kabataang Filipino.” Sa obserbasyong ito ni Lumbera, ang lakas at
kapangyarihan ng sariling wika sa Pilipinas ay pinipigilan pa rin ng mga
maykapangyarihan dahil nakabaling sila sa dayuhang wika. Tila bulag ang mga
Pilipinong nasa kapangyarihan at kolonyal mag-isip kung kaya’t nananatiling
suliran sa edukasyon hanggang sa kasalukuyan ang wikang panturo.
Ang isa pang mabigat na isyu,
hindi magaganap ang pagsupling ng kontra-kolonyal na wika at edukasyon kung ang
laganap na trabaho sa Pilipinas ay Business Process Outsourcing (BPO) o mga
call center. Dahil sa trabahong ito, lumikha ng mga programa ang maraming
unibersidad na magpapalakas sa wikang Ingles at ang mga kolehiyo at unibersidad
na may programang BSE English at AB English ay hindi na tumuon sa
pangangailangan ng Pilipinas na humubog ng mga magiging edukador sa hinaharap,
itinuon at nakapadron
ang mga kurikulum sa pangangailangan ng mga call center na sa loob nito’y mga
Pilipinong naglilingkod sa mga dayuhan. Masaklap kung iisipin na maraming mga
kolehiyo at unibersidad sa ating bansa ang hindi naghahain ng mga programang
nagsusulong at nagpapalakas ng identidad at diwang Filipino gaya ng mga
programang BSE Filipino, AB Filipinolohiya, Araling Pilipino na pinalalakas na
lamang ng ilang unibersidad sa ating bansa. Kung may mga trabaho nga lang sana
tumutugon sa pangangailangan ng mga Pilipino, hindi sana nagiging ganito ang
sitwasyon ng mga institusyong pang-edukasyon.
Ang Tatag
ng Wikang Filipino, Lakas ng Pagka-Pilipino
Sa napakaraming isyu tungkol
sa wika at edukasyon sa Pilipinas, mababakas naman kahit papaano sa sinasabing
tuwid na landas ng kasalukuyang administrasyong Aquino ang kontra-kolonyal na
wika at edukasyon. Huwag nga lang sana itong maging wang-wang kundi maipatupad
din ayon sa kagustuhan ng kanyang nga boss—tayong mga Pilipino. Bukod sa
pambansang programa niya kontra-korupsyon, ang kanyang pambansang adyenda sa
edukasyon para sa ating bansa ay bumabaling sa Filipino. Ayon sa DepEd, sa
kasalukuyan napigilan na ang ugat ng korupsyon sa kanilang ahensya at tumuon
sila sa pagpapataas ng edukasyong primarya. Nais nilang “bawat bata, mambabasa”
sa unang grado, sa ganitong punto mapapataas ang antas ng literasiya sa ating
bansa. Inuumpisahan na rin ang pagbabalik ng maayos na ebalwasyon sa mga
librong gagamitin sa paaralan upang makatiyak na dekalidad ito at hindi
nahahaluan ng korupsyon. Dinirinig na rin ayon sa DOLE ang dagdag na umento sa
sahod ng mga guro. Huwag lang sana itong dinggin kundi dagdagan na ng
makakasapat sa pang-araw-araw na pangangailangan ng guro sa kasalukuyan. Ayon
din sa nakaraang SONA ng administrasyong Aquino, bumaba ang bilang ng walang
trabaho sa Pilipinas. Magandang indikasyon ito ng pagbabago, pero sana ang idinadagdag
na trabaho ay Pilipino ang nakikinabang hindi laging dayuhan na lang. Malinaw
rin ang papel na tinatahak ng wikang pambansa na kasama sa adyenda ni Aquino sa
edukasyon, makatwiran lamang na gamitin ang sariling wika bilang midyum ng
pagtuturo sa ating bansa. Palalakasin ang paggamit nito sa Agham at Matematika
upang makamit ang kahusayan sa larangang ito. Ang pananaw niya sa wika ay
ganito: Matuto ng Ingles at umugnay sa daigdig, matuto ng Filipino at umugnay
sa ating bansa at panatilihin ang sariling wika at umugnay sa pamana ng
lahi.
Sa landas na tinatalunton
natin bilang mga Pilipino, dapat magkaisa tayo. Tigilan na ang kolonyal na
pag-iisip na nagpapabagal sa pag-unlad ng identidad at karunungan nating mga
Pilipino. Kung may naiaambag man ang kasalukuyang administrasyon sa
pagpapalakas ng sariling wika, huwag lang doon umasa, higit dapat tayong maging
malakas bilang mga Pilipino. Magiging malakas tayo kung mananatiling matatag
ang ating sariling wika dahil idiniin ni Lumbera, “Parang hininga ang wika, sa
bawat sandali ng buhay natin ay nariyan ito.”
MGA
SANGGUNIAN:
Almario, Virgilio S. (1997). Tradisyon at Wikang
Filipino. Lungsod ng Quezon: Sentro ng Wikang Filipino.
Aquino, Benigno Simeon III S.
(2010) salin ni Roberto T. Añonuevo. 10 Ways to Fix
Education in the Philippines nasa http://alimbukad.com.
Bartle, Phil. (2008) salin ni
Myla Burke. Mga
Prinsipyo ng Kaalaman sa Pagbasa at Pagsulat nasa http://www.scn.org/mpfc/modules/lit-prtt.htm.
Constantino, Pamela C. (1996).
Wika Bilang
Kasangkapang Panlipunan: Wikang Pambansa Tungo sa Pangkaisipan at
Pang-ekonomikong Kaunlaran nasa Mga Piling Diskurso sa Wika at Lipunan.
Pamela C. Constantino at Monico M. Atienza, mga ed. Lungsod ng Quezon:
University of the Philippines Press.
Eco, Umberto. (1986). Language, Power,
Force nasa Travels in Hyperriality: Essays translated from Italian by
William Weaver. Great Britain: Picador
Lumbera, Bienvenido. (2007). Ang Wika ay
Kasangkapan ng Maykapangyarihan: Ang Wika Bilang Instrumentong Politikal
nasa http://avhrc-kultura.blogspot.com.
Nakahara, Koichiro. (2005). Review of Some
Literatures and Results of Survey on English and Filipino in the Philippines
nasa http://opac.kanto-gakuin.ac.jp.
Villegas, Edberto M. (2004). Ang Sistema ng
Edukasyon sa Pilipinas nasa
http://www.bulatlat.com/news/4-6/4-6-edukasyon.html.
25 comments:
Naipakita nito ang labis na pagpapahalaga sa Wikang Filipino. Nagbigay ito ng mga halimbawa at pananaw na tunay na mahalaga ang ating wika. Maayos ang pagkakalahad ng mga paliwanag. Sana po ay patuloy tangkilikin ng mga Pilipino ang ating sariling wika.
Ipinapakita sa sanaysay na ito na ang wika ay talagang mahala sa bawat isa sa atin . Ang pagkakalahad ng sanaysay ay madaling mauunawaan ng mga mambabasa.Huwag sana nating ipagpalit ang wikang Filipino sa iba ng wika.
Tunay na nararapat lamang na ating pahalagaan ang ating Wikang Pambansa.
Malinaw po ang pagkakalahad at naiintindhan ko sya.
"Ang wika'y parang hinihga..." yan ang sabi ng alagd ng sining na si Bienvenido Lumbera. At, sa panahong laganap na ang pagtangkilik ng tao sa banyang wika, napapanahon ang akdang ito.
Ipinapaliwanang sa akda na ang Filipino ay di lamang basta-basta bagkus ito'y isang wikang sumsalamin sa ating napakayamang kultura. At, bilang isang Pilipino, dapat tangkilikin nating ang napakyaman nating wika. :)
Isang makabayan ang sanaysay na ito sapagkat naipakikita dito ang kapangyarihan at kahalagan ng ating pambansang wika na kadalasa'y atin nang nakalilimutan dahil sa labis na pagtangkilik natin sa mga banyagang salita .
Malinaw na inilalahad ng akda kung gaano kahalaga ang ating wika.Tama ang may akda sa mensahe niyang marapat lang natin tangkilikin at patuloy na pagyamanin ang ating wikang pambansa sapagkat ito ay sumasalamin sa ating kultura at tradisyon bilang mga Piipino.Nang dahil sa wikang Filipino,nagkabuklod-buklod tayo bilang iisang bansa at natulungan tayo nito kung paano magkaka-unawaan.
Ipinakikita ng sanaysay na ito na nang dahil sa ating wika, tayo ay nagkakaunawaan at nagkakaisa. Ipinararating sa atin nito na ang ating sariling wika ay sadyang napakahalaga. Ito ay dapat nating mahalin at ipagmalaki dahil ito ay bahagi ng ating kultura at tradisyon. Dapat ay payabungin, palaganapin at pahalagahan natin ang ating wikang pambansa. =)))
tunay nga na ang wika ay karugtong na ng ating pagkatao kung wala ito hindi tayo mabubuhay ng maayos ^_^
Napakahalaga ng wika sa ating mga tao. Kung walang wika, hindi tayo magkakaunawaan at magkakaisa. Wag nating kalimutan ang ating pambansang wika at wag rin tayo magpaimpluwensiya sa mga banyagang salita. Kung sila may mga pambansang salita rin, sa kanila na 'yon! Huwag na tayong maging gaya-gaya pa. Meron naman tayong sariling atin e! :) Mahalin natin at ipagmalaki ang sariling atin!!
-Mikhaela Andrea B. Calcita
BSPsychology I-4
Mahalaga ang wika sa ating bansa dahil isa ito sa konkretong simbolo ng isang bayan. Oo naroon na tayo pero kaylangan din kasi natin ang wikang inggles sa ating pamumuhay. Sa pagtatrabaho, sa paralan at kung saan saan pa. Walang mali sa mga batas at sistema. Ang mali ay kung paano natin ito ginagamit hindi umuusad ang ating wika kasi masyado tayong utak kolonyal. Tayo ang nagbababa sa ating wika. Bago natin batikusin ang pagpapalakad subukan muna natin lumingon sa paligid at sarili. Dahil baka ang mga bagay na nirereklamo mo ikaw din ang may gawa.
Irene Joy Geroy BSPsy 1-4
Mahalaga ang wika sa ating bansa dahil isa ito sa konkretong simbolo ng isang bayan. Oo naroon na tayo pero kaylangan din kasi natin ang wikang inggles sa ating pamumuhay. Sa pagtatrabaho, sa paralan at kung saan saan pa. Walang mali sa mga batas at sistema. Ang mali ay kung paano natin ito ginagamit hindi umuusad ang ating wika kasi masyado tayong utak kolonyal. Tayo ang nagbababa sa ating wika. Bago natin batikusin ang pagpapalakad subukan muna natin lumingon sa paligid at sarili. Dahil baka ang mga bagay na nirereklamo mo ikaw din ang may gawa.
Irene Joy Geroy BSPsy 1-4
Ang ating wikang pambansa; Filipino.
Totoong ito ay napakahalaga sa atin dahil sa aking palagay ito na lamang sa kasalukuyan ang kongkretong simbolo nating mga Pilipino. Sa sanaysay na ito ay naihayag na hindi natin dapat kalimutan ang ating wika, dapat itong pagyamanin. Ito ang gamitin natin sa pakikipag-panayam sa ating kapwa. Nakalulungkot na malaman na minsan tayong mga Pilipino pa mismo ang di marunong maghayag o mangusap sa ating sariling wika. Ngunit kailangan nating maging handang humarap sa kung sino man, kaya kailangan din nating matuto ng salitang Ingles dahil sa katotohanang mga banyaga ang mas nakararaming namumuhunan sa ating bansa. Kailangan nating maipahayag at maipaabot sa kanila ang ating mga pananaw, hinaing at komento sa bawat isyu na may kinalaman sa ating trabaho. At isinaad na rin sa sanaysay na ito na ang pangunahing hanapbuhay sa ating bansa sa kasalukuyan ay ang mga BPO o Call Centers. Tayo ay mga Pilipino; matatag, may paninindigan at higit sa lahat, may dignidad. Kaya yakapin man natin ang ganitong pagbabago, di pa rin nito mabubura sa ating isipan at puso ang pagka Pilipino at ang pagmamahal at paggamit ng ating sariling wika,
Ang sanaysay na ito ay nagbibigay importansya sa ating wika. Ang wikang bayan ay dapat nating ipinapairal sa buong bansa. Tayo's masyadong nagpapakalimot na dahil sa ating wika tayo'y nagtagumpay nung panahon ng kolonyalisasyon. Dapat lang na tayo ay magpasalamat at tayo'y may sariling wika at malayang tunay!
Maganda itong sanaysay na ito na nagpapaliwanag ng kahalagahan ng ating wika. Mas lalo kong naunawaan na wag natin balewalain ang ating wika kahit may mga ibang wika na tayong alam. Mahalin natin ang sariling atin.
Nagpapakita ito ng kahalagahan ng wika sa buhay ng tao. Kaya't nararapat lang na mahalin natin ang sariling atin, pahalagahan natin ito dahil mituturing ntin itong dugo't laman ng bawat Pilipino
Naipabatid ang mensahe sa isa na namang makabuluhang paraan. Pagsulat. Mahalaga ang wikang Filipino at naipaliwanag ng maayos ang kabuuan nito. Sana ay matutuhan din nating pahalagahan ang ating sariling wika at di lamang basta mahumaling na magsalita ng ibang lenggwahe. Sariling wika natin ang Filipino. Ito ay yaman ng ating lahi, sumisimbolo ito sa ating pagiging isang bansang matatag. Mahusay na naipahayag ang tula.
naipapahayag ang kahalagahan ng wika upang lalo pang maisip ng mga mamababsa ang importansya ng wika.
ginamit ang mga sinabi ng mga bihasa sa Filipino upang maiparting ang nais sa mga mambabasa.
Napakahalaga ang gampanin ng wika sa isang bansa.Sa tulong nito nagkakaintindihan at nagkakaisa ang bawat mamamayan at isa rin ito sa tulay tungo sa pag unlad ng isang bayan .Kaya habang hindi pa huli ang lahat ating hasain at pagyamanin ang ating sariling wika upang magkaroon tayo ng isang bansang nagkakaisa .^.^
Lubos na napakahalaga ng wika para sa pagkakabuklod-buklod ng mamamayan sa ating bansa. Kakaiba ang kapangyarihang taglay nito at lubos itong matalim. :)
ang pangettttttttttttttttttt wala kwenta wala tulong sakin
sasfg asdgh
jnfg
kfy
ul
ju
;'p
tl;dr :)
pag hilom
Post a Comment