Monday, September 29, 2008

MANGYAN DIN AKO… AMINADO AKO! (Ang Alamat ng Puting Mangyan) Sanaysay

Ayon sa alamat, ibig ni Bathala na magkaroon ng mga tao sa mundo. Humubog siya ng luad at isinalang iyon sa apoy. Nakalimutan niyang bantayan, nasunog iyon at lumitaw ang lahing Itim. Humubog pa ng luad si Bathala at muling isinalang sa apoy. Sa takot masunog, hinango niya agad iyon, kaya nahilaw – lumitaw ang lahing Puti. Sa huli, pinagbuti ni Bathala ang paghubog sa Luad, isinalang pa rin sa apoy at binantayang mabuti, kaya naging hustong-husto ang luto – at iyon ang simula ng lahing Kayumanggi!

Libong taon ang lumipas. Unang nangibabaw ang lahing Itim mula sa Africa hanggang Gitnang Silangan. Sumunod ang lahing Puti na nagpatatag ng kapangyarihan sa Europa at Amerika. Hanggang sa ngayon, hawak ng lahing Puti ang daigdig. Kasama sa mga sinakop nito at iniimpluwensyahan ang lahing Kayumanggi!

(Sinipi mula sa Password “Merah Tua” ni Efren R. Abueg)

Isa ako sa nag-aatubiling tumuklas ng lahing pinagmulan. Isa ako sa milyun-milyong tao na humahanap ng lahing pagkakakilanlan. Tubong Oriental Mindoro ang aking ina at tubong Quezon naman ang aking ama. Sa tuwing sasabihin ko sa aking mga kamag-aral, kaibigan at kakilala na taga-Mindoro ang aking ina, madalas nilang itanong sa akin ang ganito: Lahing Mangyan ka pala? Tila mapanghusgang tanong ngunit para sa akin ito`y mapanghamong pahayag. Basta ang sagot ko na lang ng may pagmamalaki: Oo, lahing Mangyan ako!

Ang Alamat ng Puting Mangyan na tinalakay ni Howie Severino noong Enero 28, 2008 ang isa sa mga dokumetaro ng I-Witness na pumukaw sa akin at talagang inabangan ko dahil may kinalaman ito sa lahing Mangyan – ang itinuturing kong lahing aking pinagmulan. Magaan ngunit mayaman sa kaalaman ang pamamaraan ng pagtalakay ni Howie sa dokumentaryong ito. Sa umpisa, inilarawan ni Howie Severino ang tradisyon at paraan ng pamumuhay ng mga Mangyan. Nakakatuwang isipin na nagawang ngumuya ng nganga ni Howie sa Mansalay na karaniwang ginagawa ng Lola ng aking ina. Madalas kasi ikuwento ng aking ina ang pamamaraan ng Lola niya sa pagnguya ng nganga. Sabi ng aking ina, isa sa matinding dahilan kaya nagnganga ay para maprotektahan sa lamig ang katawan ng Mangyan. Kaya kahit nakabahag lamang ang mga Mangyan, hindi sila giniginaw at ito ang epekto ng nganga.

Sa bayan ng Panaytayan, nalaman ni Howie ang katotohanan na hindi lamang pala alamat ang tungkol sa mga Olandes na namumuhay kasama ang mga Mangyan – sila ang tinatawag na lost tisoys sa Mindoro.

Ayon sa sinasabing alamat, Olandes ang tawag sa grupo na nagmula sa lahi ng mga mandaragat mula sa Holland. Lumubog diumano ang barko nila mula sa Europa kaya napadpad sila sa dagat ng Mindoro. Isa na marahil ito sa sinasabi ng batikang manunulat na si Efren Abueg sa kanyang akdang Password Merah Tua na: Ang pangingibabaw ng lahing Puti ang nagpatatag ng kapangyarihan sa Europa at Amerika. Hanggang sa ngayon, hawak ng lahing Puti ang daigdig. Kasama sa mga sinakop nito at iniimpluwensyahan ang lahing Kayumanggi.

Malinaw sa mga pahayag ni Abueg na naglakbay o patuloy na naglalakbay patungo sa Pilipinas ang mga lahing Puti para maimpluwensyahan ang lahing Pilipino. Subalit sa dokumentaryo na tinalakay ni Howie, nagkaroon siya ng pagkakataong matagpuan at makilala ang isang paring Olandes na nagtungo sa Pilipinas at nakapangasawa ng Mangyan. Taliwas sa kakayahang mang-impluwensya ng mga Puti, ang paring Olandes na ito ang siya pang naimpluwensyahan ng kultura at mga tradisyon ng mga Mangyan. Nagkaroon siya ng apat na anak sa Mangyan at ang Olandes na ito ang isa sa tagapagtaguyod at tagapagpanatili ng mga tradisyon ng mga Mangyan, kasama na rito ang paraan ng pagsulat - panitikan, musika at ang ikinabubuhay nila- ang paghahabi.

Walang pasubali na totoo at hindi lamang alamat ang mga Puting Mangyan sa Mindoro. Nananatiling buhay na grupo ang mga Mangyan na ngayon ay hindi lamang kulay kayumanggi kundi may mga tisay na rin tulad ng mga naging anak ng paring Olandes. Sa dokumentaryo, isa sa mga anak ay si Anya na hindi kakikitaan ng hiya na siya ay isang Mangyan. Bagamat hindi na nakabahag, dala marahil sa pakikiagapay sa kontemporaryong lipunan at mabilis na paglaganap ng globalisasyon – bukas pa rin ang kanyang puso na tanggapin ang kultura at tradisyon ng isang Mangyan at magiliw na nakikisalamuha sa mga kalahing Mangyan.

Ang mga Mangyan ay kabuuang ebidensya ng katutubong lahi sa Pilipinas. May mapagkakakilanlang gawi, tradisyon at paniniwala, May mga tinipong yaman (materyal at di-materyal) at bahagi ng lipunang ating ginagalawan.

Kaya ako bilang isa sa mga may lahing Mangyan ay hindi ko tinatangkang magkibit-balikat tungkol sa mga usaping may kinalaman dito. Para sa akin, bawat lahi ay natatangi, hindi kailangang talikuran, hindi kailangang ikahiya at bagkus ay dapat pang ipagmalaki.

Hindi niyo man ako nakikita na nakatira sa kabundukan, nakabahag at kasamang nakikipamuhay sa lahing Mangyan. Ito ay dahil sa malaking pagbabago ng lipunan. Nagiging modernisado at sibilisado ang mundo at walang humpay ang pag-agapay natin dito. Ang mahalaga sa ngayon ay nananatili ang mga kinabihasnan nating lahi o lipi at nananatili ito sa ating puso at isip, saanman at anuman ang ating marating.

Thursday, September 4, 2008

INAAAYOS ANG LAMAN