Thursday, September 24, 2009

Tuesday, September 22, 2009

PAGHAHANAP SA PANAGINIP

Umpisa…
Sa isip ng matalino’y
bumalik itong anino
ng poot na nabarino.

Pumihit…
Malaya ang bawat ngiti
sa pisngi, bawat pighati
sa puso na hinahati
hanggang sa hanggahan, pati
bituin, nakipagbati.

Naalimpungatan…
Sa panahong sumasaltik
itong bawat panaginip
hindi mapigil ang halik,
sa panahon ng pag-idlip
kailangan kaya babalik?

Tuesday, September 15, 2009

KAILANGANG MAGTAGO SA LIWANAG Tula

Hindi ko na masipat
ang mga bagay-bagay
tungkol sa pinagsimulan
ng aking kahibangan.

Bakit sa musmos kong isip
nakitaan kita ng niyebeng
bumabalik sa langit,
kung saan ito nagmula
doon din ito natatapos.

Sa bawat pagsubaybay
sa kilos mo't galaw,
sa ngiting kasinliwanag
ng musa ng mga paliwanag,
na hindi ko naman magagap,
bakit ko kailangang magtago?

Kapag maliwanag na ba sa akin
ang bawat sinag ng iyong mukha,
makikita ba kitang nagliliwanag
na parang lampara sa gitna ng gubat?

O kailangan bang maliwanag sa akin
ang bawat kilos mo
na sa iba naman ibinabaling?

Sa liwanag kita makikita
pero sa dilim ako nakatago,
gusto ko kasing nakalihim sa iyo
ang sinag ng aking puso.

Kung ibaling mo ang iyong mukha
sana sa liwanag mo ako makita,
habang pumapatak ang mga niyebe
sa aking mukha.

Monday, September 14, 2009

Sunday, September 13, 2009

MIYUKI (Ang Paghahanap)

Para ka bang bagay
na kung kailan ko hinahanap
saka hindi ko masumpungan.

Subukan kaya kitang kalimutan.

Para ka pa rin bang bagay
na kapag di ko na hinanap
saka ko makikita?

Para ka bang bolpen,
huminto lang akong saglit
sa pagsusulat
di na kita mahagilap?

O para ka pa rin bang bolpen
na pinagtyagaang hagilapin,
makikita lang pala kitang nakasangyat
sa aking tenga.

Para ka bang krokis sa papel,
na kapag kailangang ko nang husayin
ay hindi ko na matagpuan?

O para ka pa rin bang krokis sa papel
na matatagpuan ko na lang
na nakasingit sa librong
lagi kong binabasa.

Sana bolpen at krokis sa papel ka na lang,
dahil kahit di sadyain
makikita ko pa rin.

Friday, September 11, 2009

LAGING MAY ANYAYA ANG DILIM

Laging may anyaya ang dilim,
Lambong itong nagsasaklob
ng laksang panimdim.

Mapang-akit ang dilim,
Nagtuturo itong dumilat
sa lagim at rimarim.

Lumakad ka man
Ididikta ng dilim
ang paninging itim.
Tumakbo ka man
mas matulin ang dilim,
agad itong makararating.

subukin mang umalala
nang taimtim

lahat, kahit salamisim
handa nitong saiirin, burahin.

Tuesday, September 1, 2009