Wednesday, October 17, 2012

WIKANG FILIPINO: HININGA, KAPANGYARIHAN AT PUWERSA

(Pangalawang Gantimpala, Gawad Komisyon sa Sanaysay 2012 ng Komisyon sa Wikang Filipino)


“Parang hininga ang wika, sa bawat sandali ng buhay natin ay nariyan  ito. Palatandaan ito na buhay tayo, at may kakayahang umugnay sa kapwa nating gumagamit din dito.”
—Bienvenido Lumbera

Kapangyarihan ang wikang Filipino sa Pilipinas. Kapangyarihan ang sariling wika. Isa ang sariling wika sa bumubuo ng ating pagkatao. Nang dahil sa sariling wika, nagkakaroon tayo ng tiyak at tunay identidad na hindi hiram sa iba. Nagiging ganap ang ating pagkatao sapagkat malinaw ang nagbunsod nito—ang sariling wika at kultura. Nagiging malaya tayo sa lipunang ating ginagalawan dahil ganap ang ating pagkatao. Nagiging lubos ang kapangyarihan na sumasaklaw sa ating kamalayan kung lubos din nating natatanggap ang sariling wika. Sang-ayon ito sa sinabi ni Bienvenido Lumbera na ganito: “Sa pagtanggap natin sa wika, pumapaloob tayo sa isang lipunan at nakikiisa sa mga taong naroon. Samakatuwid, ang kamalayan natin bilang indibidwal ay karugtong ng kamalayan ng iba sa lipunan. Kapag may kapangyarihang sumakop sa kamalayan ng kapwa natin sa lipunan, kasama tayong napapailalim sa nasabing kapangyarihan.”

Ang sariling wika ay hindi nakababawas ng katalinuhan at katanyagan kung gagamitin sa iba’t ibang larangan. Kung ang usapin ay karunungan, maraming nag-aakala na mahina ang mga Filipinong hindi nagsasalita ng wikang dayuhan partikular na ang mga taong hindi nakapagsasalita ng matatas sa Ingles. Madalas silang maparatangang walang alam o mas masakit, tinataguriang bobo. Isa itong masaklap na pangyayari. Ngunit humihina na ang ganitong pagpaparatang dahil ginagamit ang wikang ito ng kasalakuyang Pangulo at hindi naman ito nakabawas ng katalinuhan at katanyagan. Sa kanyang mga talumpati at opisyal na pakikipagtalastasan sa taumbayan, buhay na buhay ang wikang Filipino tulad ng pagsasabi niya sa kanyang SONA na malakas ang bansang Pilipinas. Hindi ba’t napakaliwanag ang landas na tatahakin kung kasabay ng malakas na Pilipinas ay malakas rin ang Filipino bilang matatag na wikang pambansa?

Ang mga Balakid sa Biyahe ng Wikang Filipino

Sa kabila ng pagpapatatag at malawakang paggamit ng wikang Filipino, buhay na buhay pa rin ang maraming isyung nagpapahina sa ating wikang pambansa. Mga dati nang isyung nagiging dahilan kung bakit hindi umusad ang biyahe nito. Una na rito ay ang hindi maayos na pamamahala ng edukasyon sa ating bansa at karaniwang nakakiling ang mga administrador ng mga paaralan at pamantasan sa wikang Ingles dahil ito raw ang wika ng mundo.

Pangalawa ang uri ng trabaho na laganap sa Pilipinas, ang sunod-sunod na pagsulpot ng mga Business Process Outsourcing (BPO) o mga call center na nangangailangan ng mga Pilipinong sanay magsalita ng Ingles.

Pangatlo ang kakitiran ng pag-iisip ng maraming edukador na hindi maaaring maging wikang panturo ang pambansang wika. Hindi ito maaari sa edukasyon sa Pilipinas. Lagi nilang sinasabi na Ingles lamang ang wika ng karunungan lalo na sa Agham at Matematika. Dati pa itong isyu na hindi pa rin nila matanggap ang sagot dahil nakabaling pa rin ang kanilang paningin sa wika ng mga dayuhan.

Pang-apat na isyu, ang napakababang pagtingin ng mga mambabatas, maraming opisyal ng pamahalaan at ilang kolonyal na Pilipino sa wikang Filipino. Marami sa kanila ang may maling haka na wala itong lakas at hindi matatag para umangkop sa pangangailangan ng Pilipinas sa maraming larangan, medisina, batas, enhinyerya at iba pang malalaking larangan.

At ang huling isyu, kulang na kulang daw sa mga sanggunian at  kakaunti ang naisasaling karunungan mula sa banyagang wika tungo sa wikang Filipino na kailangang–kailangan ng mga estudyanteng Pilipino.

Ilan ito sa nagiging dahilan kung bakit natatrapik ang biyahe ng wikang Filipino. Paulit-ulit na lamang ang ganitong isyu na ipinupukol ng mga Pilipinong mahina ang pagkilala sa sariling wika sa ating bansa. Kaya paulit-ulit na natatrapik ang ating identidad bilang Pilipino.

Kalbaryo ng Wikang Pambansa

Matinding kalbaryo ang sinapit ng wikang Filipino lalo na ang nilagdaan sa panahon ng nakalipas na administrasyong Macapagal-Arroyo ang Executive Order 210 (Establishing the Policy to Strengthen the Use of English Language in the Educational System). Pumasa rin sa kongreso ang House Bill 4701 (An act to Strengthen and Enhance the Use of English as the Medium of Instruction in Philippine Schools) na nagligaw sa wikang pambansa para humina at mawalan ng kabuluhan sa edukasyon sa Pilipinas.

Totoo na ang Ingles ang wika ng mundo para magkaunawaan ang iba’t ibang lahi sa daigdig ngunit hindi totoo na wikang Ingles ang wika ng karunungan sa bansang may sariling kultura at kabihasnan, lalo na’t ang bansang ito ay may sariling wika. Baluktot ang daang tinutumbok ng mga Pilipinong hanggang sa kasalukuyan ay nagsusulong na sa Ingles matatamo ang ganap na pagkatuto.

Kailangan pa ba ng maraming sarbey na magpapatunay na hindi sa Ingles ganap na matututo ang mga Pilipino, samantalang malinaw na sa SWS Survey noong 1993 na 18 porsyento lamang ng mga Pilipino ang may ganap na kadalubhasaan sa paggamit ng wikang Ingles at karamihan pa sa kanila'y lumaki sa Amerika at bumalik lamang dito sa Pilipinas. Hindi pa yata sapat na batayan ito para mapanuto ang mga maka-wikang dayuhan. Sa sumunod na sarbey ng SWS na may kinalaman sa Filipino noong December 1995, sa tanong na gaano kahalaga ang pagsasalita ng Filipino? Lumabas sa sarbey na 2 sa bawat 3 Pilipino ang nagsasabing mahalagang-mahalaga ang pagsasalita ng Filipino. Lumabas din na 71 porsyento ng nasa Luzon, 55 porsyento ng nasa Bisaya at 50 porsyento ng nasa Mindanao ang sumagot na mahalagang–mahalaga ang pagsasalita ng Filipino. Sapat itong batayan na mahalagang-mahalaga ang wikang Filipino saanmang panig ng Pilipinas. Sa sarbey ring ito nalaman ang pulso hinggil sa wikang Filipino ng mga Pilipinong nasa uring ABC (o mga mayayaman, angat at maykaya sa buhay), 73 porsyento sa kanila ang nagsabing mahalagang-mahalaga ang pagsasalita ng Filipino. Matatag itong basehan na hindi lamang ang nasa uring D at E (o mga mahihirap at hikahos sa buhay) mahalagang-mahalaga ang Filipino. Bilang dagdag, sa sarbey rin ng SWS noong abril 8-16 1998, tinanong ang 1,500 na Pilipino sa iba’t ibang panig ng Pilipinas kung ano ang unang wika nila sa tahanan, 35 porsyento ang ang nagsabi na Filipino, 24 porsyento ang nagsabi na Cebuano, 11 porsyento ay Ilonggo, 8 porsyento ay Kapampangan, 5 porsyento ay Ilokano, samantalang 1 porsyento lamang sa buong bansa ang  nagsabi na Ingles  ang una nilang wika sa tahanan. Kung ang resulta ay pumapabor  sa Filipino bilang unang wika sa tahanan, hindi ba’t sa bansang Japan, South Korea, Belgium, Czeck Republic at Slovakia, ang wikang ginagamit nila sa edukasyon ay ang unang wika na natutuhan nila sa tahanan at ang wikang kanilang ginagamit sa pang-araw-araw na buhay. Mapapansing sila ang nanguna sa Third International Maths and Science study noong 1997—ibig sabihin magagaling ang kanilang estudyante sa larangan ng Agham at Matematika. Ang kanilang sikreto, gumagamit sila ng wikang hindi nalalayo sa kanilang identidad–ang sarili nilang wika.

Bukod sa SWS, mapapansing kahit sa pag-aaral ng isang iskolar na Hapones na si Koichiro Nakahara noong Enero 2005 malinaw na hindi Ingles ang namamayaning wika sa Pilipinas. Aniya, “The national language of the Philippines is Filipino. The official languages are Filipino and English. English has been being used there since the beginning of the 20th century but it has not been easy to popularize by the Filipino there.” Lumalabas sa kanyang sarbey na may 139 na Filipinong tagatugon, 35 porsyento ang nagsabing dapat Filipino lamang ang opisyal na wika sa Pilipinas samantalang 2 porsyento lamang ang nagsabi na dapat Ingles lang at 61 porsyento ang nagsabi na Filipino at Ingles. Pinatunayan din ng resulta ng kanyang sarbey na hindi pareho ang Tagalog at Filipino  dahil lampas sa kalahati o 51 porsyento ang  nagsabi na magkaiba ito.

Kung mapapanood ang dokumentaryo ng I–Witness na may pamagat na “Don’t English Me” ni Howie Severino. Nabanggit doon na lampas sandaang taon na nating inaaral ang wikang Ingles ngunit bakit haggang sa kasalukuyan ay tila walang katatasan sa pagsasalita ng wikang Ingles ang mga Pilipino. Pamali-mali pa rin ang marami sa atin sa pagbaybay ng salitang Ingles. Ipagdidiinan naman ng mga maka-Ingles na hindi raw kasi siniseryoso ng maraming Pilipino ang pag-aaral ng wikang Ingles kaya walang ganap na pagkatuto. Baluktot ang kanilang punto. Hindi kasi natural na dumadaloy sa kaisipan ng mga batang Pilipino ang dayuhang wika kaya mahirap maging matatas sa paggamit ng wikang iyon. Nahihirapan ang isang batang nag-uumpisa pa lamang ng pag-aaral sa elementarya na maunawaan ang leksyong pinag-aaralan nila sa  klase lalo na kung itinuturo ito sa wikang hindi niya nakasanayan o nakagisnan. Nagreresulta tuloy ito ng mataas na drop-out rate, tinatamad nang mag-aral ang mga bata dahil hindi naman lubos na nauunawaan ang wika ng guro lalo na sa Agham at Matematika. Sa pagtataya nga sa kasalukuyan, sa 100 batang tumutuntong sa elementarya, 70 porsyento lamang ang nakatatapos. Sa mga nagtapos ng elementarya, 90 porsyento ang makapapasok sa mataas na paaralan at  paglipas ng apat na taon ay 46 porsyento lamang ang magmamartsa at sila lamang ang makatutungtong sa mga unibersidad o kolehiyo. Mapapansing wala pa sa kalahati ang magtatapos sa kolehiyo. Ang masama nito, marami sa mga hindi nakapag-aral ang nagiging kriminal at nagiging problema ng bansa. Ang mga nagtuloy naman sa pag-aaral ay masasabing hilaw ang pagkatuto, kung pag-uusapan ang wika—hindi na matatas sa wikang nakagisnan ay unti-unting nalimutan at hindi na ito napahalagahan. Mali kasi ang sistema ng edukasyon sa Pilipinas, bata pa lamang ay isinusubo na ang wikang dayuhang mahirap maunawaan.

Wala naman talaga sa wikang dayuhan ang pagkatuto ng mga Filipino kundi nasa sariling wika. Pagpapatunay nga ng isang edukador na Canadian na si Phil Bartle, “Sa pag-aaral ng basikong literasiya, ang wikang gagamitin ay base sa kung ano ang karaniwang naiintindihan at alam ng pamayanan. Walang isang wika ang pinakamahusay kaysa sa iba.” Kung babalikan din natin ang kasaysayan ng Pilipinas, nang ipinag-utos ng mga Amerikano noong 1901 na gawing opisyal na wikang panturo ang wikang Ingles sa mga paaralan sa Pilipinas, makalipas lamang ang dalawampu’t limang taon ay nabatid agad ng Amerikano sa pamamagitan ng pag-aaral ng Monroe Educational Survey Commission  na hindi naging matagumpay ang pagkatuto ng mga Pilipino gamit ang wikang Ingles sa kanilang pag-aaral. Dahil dito ipinag-utos din noong 1931 na wikang vernakular na ang gagamiting wikang panturo sa elementarya.

Matagal na dapat nating alam na ang wikang dayuhan ang isa sa dahilan ng pagkaligaw nating mga Pilipino sa daan ng karunungan. Noon pa sinasabi at ipinaalala ng isa pang Pambansang Alagad ng Sining para sa Panitikan na si Virgilio Almario na, “Kailangang-kailangan na natin ang Filipino sa edukasyon at opisyal na talastasan. Pero ayaw nating harapin ang tawag ng taumbayan.”

Pagsakay sa Tatag ng Filipino Bilang Wika ng mga Pilipino

Umiiral sa realidad sa Pilipinas na ang Filipino ay wikang panlahat. Nandyan ito, umiiral at ginagamit sa araw-araw na pakikipagtalastasan ng mga Pilipino. Mga Pilipino ang kusang tumanggap nito bilang wikang pambansa at naging katangi-tangi ang tatag nito dahil ito ang wika ng lipunang Pilipino. Kaugnay ito sa sinabi ni Pamela Constantino na, “Ang anumang kapangyarihan o puwersa ng wika ay itinalaga ng institusying sosyal.” Hindi maitatangging malakas sana ang puwersa at kapangyarihan ng wikang Filipino sa maraming larangan tulad ng edukasyon, batas, agham, teknolohiya at iba pa, ang kaso pinahihina at binabansot ng paniniwala ng nagkukunwang edukado at maraming politiko sa ating bansa.

Isang simpleng sitwasyon ang maaaring maging halimbawa na maraming nagkukunwang edukado ang salat pa rin ang kaalaman pagdating sa usapin hinggil sa ating sariling wika. Sa panahon na nililitis si dating Presidente Joseph Estrada sa kasong pangungurakot. May isang sitwasyon na nagpapakita ng maling pagtanaw sa wika ng mga mambabatas sa Pilipinas kaya hindi ito maisulong nang husto bilang wika sa larangan ng batas. Noong tinanong ni Hilario Davide (isang Cebuano), ang saksing si Emma Lim kung anong wika ang nais niyang gamitin sa pagtestimonya, sumagot si Lim na sariling wika ang gagamitin niya—ang Tagalog. Nakapagtataka ang sinabi ni Davide na wala silang interpreter mula Tagalog tungong Ingles, sa Filipino tungong Ingles ay mayroon. Tila hindi batid ni Davide ang pinagdaanang kasaysayan ng wikang Filipino. Dahilan kaya ang pagiging Cebuano niya? Ngunit nang magsalita si Senador Franklin Drilon na isang Ilonggo, sabi niya, hindi na kailangan ng interpreter sapagkat lahat naman sila ay mauunawaan ang testimonya kahit sa Tagalog.

Nabanggit din ni Constantino na taglay ng wika ang kakayahang baguhin ang paniniwala ng isang indibidwal. Sa pakikipag-ugnayan gamit ang wika, maraming bagay ang maaaring magbago. Kunsabagay, marami nang pangyayari sa Pilipinas na kinakitaan ng malaking pagbabago tungo sa pagsusulong ng wikang Filipino.

Ang matibay na halimbawa ay noong Agosto 20, 2007, tatlong korte sa Lungsod ng Malolos ang nagdesisyong gumamit ng Filipino sa paglilitis upang maisulong ang pambansang wika. Labindalawang istenograpo mula sa hukuman 6, 80 at 81 bilang modelong korte gamit ang wikang pambansa ang sumailalim sa pagsasanay  sa Marcelo H. del Pilar College of Law ng Bulacan State University bilang pagsunod sa direktiba ng Korte Suprema ng Pilipinas hinggil sa paggamit ng Wikang Filipino sa istenograpiya. Pangarap noon ng dating Punong Mahistrado na si Reynato Puno na pati sa Laguna, Cavite, Quezon, Nueva Ecija, Batangas, Rizal at Metro Manila ay maipatupad ang paggamit ng sariling wika sa paglilitis.

Dati pa man, sa sanaysay ni Virgilio Almario na may pamagat na “Filipino ang Filipino” nabanggit na niya ang maraming pagsisikap at eksperimento sa paggamit ng Filipino sa gawaing akademiko. Aniya, maraming gurong pasimuno sa mga unibersidad, lalo na sa UP, Ateneo de Manila, at De La Salle. Nangunguna raw si Dr. Virgilio Enriquez sa mga orihinal na saliksik sa sikolohiya sa wikang Filipino. Itinuro ni Fr. Roque Ferriols ang pilosopiya sa Filipino. Isinalin ni Judge Cesar Peralejo ang kodigo sibill at kodigo penal. Lumikha ng diksyonaryo sa kemika si Dr. Bienvenido Miranda at sa Medisina si Dr. Jose Reyes Sytangco. May libro sa ekonomiks si Dr. Tereso Tullao, Jr. sa wikang Filipino. May mga nagtuturo ng matematika sa Filipino. At marami nang jornal at monograp sa iba’t ibang disiplina na nakalathala sa Filipino. Kaya hindi totoo na kulang na kulang sa sanggunian at kakaunti ang naisasaling karunungan mula sa banyagang wika tungo sa wikang Filipino. Katunayan, patuloy ang Sentro ng Wikang Filipino ng Unibersidad ng Pilipinas sa paglalathala at pagpondo sa mga aklat na nasa Filipino. Nasabi na rin dati pa ni Almario, “Kung ang usapin ay ang paglilimbag ng mga materyales sa pag-aaral na nakasulat sa sariling wika, walang demand kaya hanggang ngayo’y walang pabliser na nagpapasimuno sa paglalathala ng aklat sa wikang Filipino sa iba’t ibang larangan.”

Ang lahat ng nabanggit na halimbawa ng pagsisikap tungo sa ikauunlad ng pagkatuto sa iba’t ibang larangan ay dahil sa puwersa at kapangyarihan ng wikang umiiral at nandyan lang. Hindi na dapat nating ipagtaka kung paano nagawa ang pagsasalin at pagpapabukal ng karunungan sa ibat’ ibang larangan gamit ang wikang Filipino. Angkop na angkop ito sa pananaw ni Umberto Eco sa kanyang sanaysay na “Language, Power, Force” binanggit niya, “We must not be amazed then to hear people say that the given language is power... because outside the given language there is nothing.”

Pagtahak at Pagtalunton sa Wika at Edukasyon sa Pilipinas

Naging pugad ng anomalya ang edukasyon sa Pilipinas  sa mga nakalipas na taon. Naging gatasan ito ng ilang opisyal ng gobyerno na naging mitsa ng panganganib ng kalidad ng edukasyon ng mga Pilipino. Ilan sa anomalya ng DepEd ay ang noodles scam noong 2007, ang noodles na nagkakahalaga ng 18 pesos bawat isa. Ang textbook scam na isiniwalat ni Antonio Go kung saan bumili ang gobyerno ng mga aklat na hindi dumaan sa maayos na bidding at ebalwason na nagdulot ng mababang uri ng mga aklat ngunit napakamahal ang presyo. Nakasasagabal ang ganitong pangyayari sa Pilipinas upang maabot natin sa taong 2015 ang inihain ng United Nations na Education for All (EFA) o Edukasyon para sa Lahat, higit pa yatang lumalala ang baku-bakong landas na tinatahak ng edukasyon sa Pilipinas. Kahit bumuo noong 2007 ang nakaraang administrasyong Macapagal-Arroyo sa pamamagitan ng Executive Order 652 ang Presidential Task Force on Education (PTFE) upang matugunan ang EFA, wala itong nagawa dahil patuloy na bumagsak ang literacy rate o antas ng pagkatuto ng mga Filipino. Sa datos nga ng NSO noong  2011 apat sa sampung kabataan ang hindi marunong bumasa at sumulat.

Batay sa mga datos na nakalap ni Dr. Edberto Villegas, sa panahon ni Macapagal-Arroyo, kalunos-lunos ang kalagayan ng mga estudyante at guro sa mga pampublikong paaralan sa Pilipinas. Nasaliksik niya na batay mismo sa estadistika ng gobyerno, may kakulangan ng 49, 000 na klasrum at may 2, 381, 943 na mga desk/armchairs sa ating mga paaralan. Ang ratio ng bilang ng libro sa mga estudyante ay 0.33 sa mga pampublikong paaralang pang-elementarya at 0.6 sa hayskul. Nananatili rin ang kababaan ng sahod ng mga guro ayon sa datos ng Alliance of Concerned  Teachers o ACT. Ang 500,000 guro sa elementarya at sekondaryang pampublikong paaralan ay sumasahod lamang mula 4, 000 hanggang 6, 000 bawat buwan.

Bukod sa mga nabanggit na mga anomalya at suliranin sa edukasyon. Nananatiling suliranin sa larangang ito ang hindi pagtanggap ng maraming edukador sa wikang Filipino bilang wikang panlahat at wikang panturo.

Ayon kay Bienvenido Lumbera, “Sa kasalukuyan, nagkapuwang na ang wikang Filipino sa kurikulum. Hindi pa ito ang kinikilalang wikang panturo, pero may lugar na ito sa paaralan. Nakapasok na sa akademya ang wika ng masa. Bagamat ang marami sa mga maykapangyarihan ay nagmamatigas pa rin na sa Ingles lamang nagaganap ang tunay na edukasyon ng kabataang  Filipino.” Sa obserbasyong ito ni Lumbera, ang lakas at kapangyarihan ng sariling wika sa Pilipinas ay pinipigilan pa rin ng mga maykapangyarihan dahil nakabaling sila sa dayuhang wika. Tila bulag ang mga Pilipinong nasa kapangyarihan at kolonyal mag-isip kung kaya’t nananatiling suliran sa edukasyon hanggang sa kasalukuyan ang wikang panturo.

Ang isa pang mabigat na isyu, hindi magaganap ang pagsupling ng kontra-kolonyal na wika at edukasyon kung ang laganap na trabaho sa Pilipinas ay Business Process Outsourcing (BPO) o mga call center. Dahil sa trabahong ito, lumikha ng mga programa ang maraming unibersidad na magpapalakas sa wikang Ingles at ang mga kolehiyo at unibersidad na may programang BSE English at AB English ay hindi na tumuon sa pangangailangan ng Pilipinas na humubog ng mga magiging edukador sa hinaharap, itinuon at nakapadron ang mga kurikulum sa pangangailangan ng mga call center na sa loob nito’y mga Pilipinong naglilingkod sa mga dayuhan. Masaklap kung iisipin na maraming mga kolehiyo at unibersidad sa ating bansa ang hindi naghahain ng mga programang nagsusulong at nagpapalakas ng identidad at diwang Filipino gaya ng mga programang BSE Filipino, AB Filipinolohiya, Araling Pilipino na pinalalakas na lamang ng ilang unibersidad sa ating bansa. Kung may mga trabaho nga lang sana tumutugon sa pangangailangan ng mga Pilipino, hindi sana nagiging ganito ang sitwasyon ng mga institusyong pang-edukasyon.

Ang Tatag ng Wikang Filipino, Lakas ng Pagka-Pilipino

Sa napakaraming isyu tungkol sa wika at edukasyon sa Pilipinas, mababakas naman kahit papaano sa sinasabing tuwid na landas ng kasalukuyang administrasyong Aquino ang kontra-kolonyal na wika at edukasyon. Huwag nga lang sana itong maging wang-wang kundi maipatupad din ayon sa kagustuhan ng kanyang nga boss—tayong mga Pilipino. Bukod sa pambansang programa niya kontra-korupsyon, ang kanyang pambansang adyenda sa edukasyon para sa ating bansa ay bumabaling sa Filipino. Ayon sa DepEd, sa kasalukuyan napigilan na ang ugat ng korupsyon sa kanilang ahensya at tumuon sila sa pagpapataas ng edukasyong primarya. Nais nilang “bawat bata, mambabasa” sa unang grado, sa ganitong punto mapapataas ang antas ng literasiya sa ating bansa. Inuumpisahan na rin ang pagbabalik ng maayos na ebalwasyon sa mga librong gagamitin sa paaralan upang makatiyak na dekalidad ito at hindi nahahaluan ng korupsyon. Dinirinig na rin ayon sa DOLE ang dagdag na umento sa sahod ng mga guro. Huwag lang sana itong dinggin kundi dagdagan na ng makakasapat sa pang-araw-araw na pangangailangan ng guro sa kasalukuyan. Ayon din sa nakaraang SONA ng administrasyong Aquino, bumaba ang bilang ng walang trabaho sa Pilipinas. Magandang indikasyon ito ng pagbabago, pero sana ang idinadagdag na trabaho ay Pilipino ang nakikinabang hindi laging dayuhan na lang. Malinaw rin ang papel na tinatahak ng wikang pambansa na kasama sa adyenda ni Aquino sa edukasyon, makatwiran lamang na gamitin ang sariling wika bilang midyum ng pagtuturo sa ating bansa. Palalakasin ang paggamit nito sa Agham at Matematika upang makamit ang kahusayan sa larangang ito. Ang pananaw niya sa wika ay ganito: Matuto ng Ingles at umugnay sa daigdig, matuto ng Filipino at umugnay sa ating bansa at panatilihin ang sariling wika at umugnay  sa pamana ng lahi.

Sa landas na tinatalunton natin bilang mga Pilipino, dapat magkaisa tayo. Tigilan na ang kolonyal na pag-iisip na nagpapabagal sa pag-unlad ng identidad at karunungan nating mga Pilipino. Kung may naiaambag man ang kasalukuyang administrasyon sa pagpapalakas ng sariling wika, huwag lang doon umasa, higit dapat tayong maging malakas bilang mga Pilipino. Magiging malakas tayo kung mananatiling matatag ang ating sariling wika dahil idiniin ni Lumbera, “Parang hininga ang wika, sa bawat sandali ng buhay natin ay nariyan  ito.”


MGA SANGGUNIAN:

Almario, Virgilio S. (1997). Tradisyon at Wikang Filipino. Lungsod ng Quezon: Sentro ng Wikang Filipino.

Aquino, Benigno Simeon III S. (2010) salin ni Roberto T. Añonuevo. 10 Ways to Fix Education in the Philippines nasa http://alimbukad.com.

Bartle, Phil. (2008) salin ni Myla Burke. Mga Prinsipyo ng Kaalaman sa Pagbasa at Pagsulat nasa http://www.scn.org/mpfc/modules/lit-prtt.htm.

Constantino, Pamela C. (1996). Wika Bilang Kasangkapang Panlipunan: Wikang Pambansa Tungo sa Pangkaisipan at Pang-ekonomikong Kaunlaran nasa Mga Piling Diskurso sa Wika at Lipunan. Pamela C. Constantino at Monico M. Atienza, mga ed. Lungsod ng Quezon: University of the Philippines Press.

Eco, Umberto. (1986). Language, Power, Force nasa Travels in Hyperriality: Essays translated from Italian by William Weaver. Great Britain: Picador

Lumbera, Bienvenido. (2007). Ang Wika ay Kasangkapan ng Maykapangyarihan: Ang Wika Bilang Instrumentong Politikal nasa http://avhrc-kultura.blogspot.com.

Nakahara, Koichiro. (2005). Review of Some Literatures and Results of Survey on English and Filipino in the Philippines nasa http://opac.kanto-gakuin.ac.jp.

Villegas, Edberto M. (2004). Ang Sistema ng Edukasyon sa Pilipinas nasa http://www.bulatlat.com/news/4-6/4-6-edukasyon.html.