Sunday, July 4, 2010

ISEM

(Sa nagsabi sa akin na pahalagahan ang pagngiti)

Habang tumititig sa salamin,
nalilimutan ko ang bawat pag-amin,
noon iyon, habang ang bawat dantay ng mga tinig,
makikinang na imahen ng pag-asa’t pag-usad,
saan ko ikukubli ang mga ngiti
kung sa bawat sandali,
sumasaliw ang naiiwang hapdi.

Doon, doon iyon itatago,
sa nakakubling bahagi ng salamin
doon, may pag-amin, walang paglilihim.

Namimihasa ang bawat pintig ng salita,
panay ang ningning ng pagtanggi,
bawat salaming inaaninag
namamalas ang ngiti, nababanaag.
Noon iyon, hangga’t walang bakas ng pagkabahala.

Sa panahong buburahin ang bawat lamat,
lumilinaw ang bahagi ng salamin
minsa’y natuturuan mo pala akong damhin,
ang ngiti ng pagkimkim,
ang ngiti ng panimdim.
Doon, aalalahanin kong kailangan kitang limutin,
at sa paglimot na iyon,
muli’t muli kitang lilikhain, bubuuhin.

Higit iyong malinaw
higit na maliwanag.
Ang anino ng mga mukha mong may ngiti,
sa salamin ko ikinikintal,
doon iniiwan ang mga bakas,
para sa bawat pagharap ko sa salamin,
ang bawat ngiti,
doon,
mananatili.


(Isem)- salitang Ilokano na nangangahulugang ngiti.

39 comments:

ann_eunice said...

palong palo sir.. GOD bless..

Ian Chris Alejo said...

Ang panaginip ay malawak gaya ng pagkakaintindi ko sa tula. Ang gagawin mo nas lamang ay maniwala sa ilusyon o paniwalaan na ang katotohonan ay nakakubli sa ilalim ng ating panaginip.

awizardwithwisdom.blogspot.com

Clarisse Liberato said...

Sa aking pagkakaintindi sa tula ay kailangan ng ngiti sa bawat araw na dadaan sa ating buhay. Mayroon mang mabigat na problema tayong harapin, masira man ang araw nating dahil sa isang pangayayari ay isang ngiti lang ang kailangan upang tayo ay bumalik ang sigla sa ating buhay.

Patricia Belmonte said...

Kahit may mga ganyang pangyayari sa buhay ng tao - mabuti man o masama - kailangan pa din nating ngumiti (kasi nakakagaan ito sa pakiramdam). Ngiti lang, pre :)

EdAllan Ramos said...

Maganda ang pagkakabahagi nito sapagkat maraming tao ang nakakaugnay dito , marahil ay malaki ang naitutulong ng kahit isang pag ngiti lamang sapagkat napapalakas nito ang loob ng isang tao kahit na siya ay nasa isang mahirap na pagsubok o sitwasyon.

Abigail Manalo said...

Awww. Ang malungkot na parte ng buhaaaay. :( Pero kahit na may problema malaki man o maliit ang mabuti marunong kang ngumiti. Ngitian ang problema!! :D Makakatulong ito kahit papano. Nakakatuwa naman itong mga tulang ganito. Hahahaha

Abigail V. Manalo
BS. Psychology 1-4

JayBoy Ladag said...

kahit gaano man kahirap ang pinagdadaanan naandyan ang pagngiti ... nakakagaan ng loob at nakakabwas ng problema at nakakapagbigay muli ng sigla sa ating buhay. :) ngiti na! :)

lhyn praun said...

sa likod nga mga ngiti
isang lungkot ang nagkukubli
kayhirap ipakita
problemang iyong nadarama.

mas mainam nang itago
kaysa makita ang iyong panibugho
ngiti sa iba'y panatilihin
at lungkot ay yakapin sa salamin.

-- kung minsan, may mga bagay na hindi na dapat pa sabihin..

patrick james abelardo said...

minsan talaga ang mga problema at lungkot ay hindi na maitatago pa. hahanap at hahanap tayo ng solusyon para dito pero ang maiisip lang nten ay ngumiti at ikubli ang mga ito sa likod ng lahat. pilit iniiwasan ang katotohanan at realidad ng pangungulila.

aMAISIEng said...

Oww! Napakaganda naman ng tulang ito. Nakaka-inspire lang para sa mga taong di makuhang ngumiti at mga nagsisismangot buong araw.
Sobrang ikli ng buhay para hindi ipakita ang bawat kislap sa ating mga ngiti, at sa bawat ngiting yan, ayan ang nagsisilbing instrumento natin upang kayanin ang bawat hirap na kinahaharap natin sa ating buhay.

Jerlyn Austero said...

Ang ganda ng buhay, tulad ng salamin sa labo nito ay maaaring hind na muling maaninag. Sa pagpunas ng bakat ng dumi mapagtatanto mo na kay ganda pala ng buhay. Hindi kinakalimutan ang ngiti dahil sila ay dominante sa ating pangaraw-araw na gawain sadya nga lamang na minsan tulad ng ganda ng salamin ay natatakpan at pawang nakakalimutan.

Michael Vincent Trugillo said...

Sa bawat pagngiti, iba't ibang karanasan ang nasa likod nito. Ang ganda ng pagkakagawa sa tula, nasabi ng malinaw ang kahalagahan ng pagngiti.

Paul Cruz said...

Dapat sa mga pinagdadaanan natin na maganda o kaya ay masama dapat ngumingiti. Pinoy na pinoy talaga ang pagngiti kasi sa kahit anung pagsubok nakangiti pa rin tayong mga pinoy.

annie aurigue said...

ngiti :) napangiti ako nung nabasa ko to. Pang11 ko nang paghanga sa iyong sulatin G.Rom :)

rizza francia soriano said...

ngiti tlga ... malaking tulong na sa problema.. haayyy. naalala q tuloy mga panahong may problema aq,...nakakatuwa tlga mga nakakatha mung tula G.Rom. nakakarelate sa life q.. super like

kcirlenn rodelas said...

Sa pamamagitan ng ating ngiti ay naikukubli natin ang sakit at paghihirap ng ating kalooban.Ngunit kung ito'y tunay at busilak, napakasarap sa pakiramdam tingnan ang sariling nakangiti, nakatawa, at walang pag aalinlangan sa buhay.





Kcirlenn Rodelas
BS Psychology I-4

Cristina Ilao said...

Minsan may mga bagay talaga na kailangang ilihim at itago kahit mahirap.Ngiti lang palagi para mabawasan ang hirap sa pag iisip ng mga bagay bagay.

Justine Jamella Pecasales said...

Sa kabila ng mga nararanasan nating problema at pagsubok, huwag na huwag natin kakalimutan ang pagngiti. Sabi nga nila "a smile is a curve that sets everything straight."

Joycefer Alejos said...

Huwag nating kakalimutang ngumiti sa kabila man ng mga problemang kinakahap mo.Sa kabila ng ating mga ngiti ay naitatago natin ang sakit na nararamdaman natin .

Joan Rose Miguel said...

ang ngiti ay simple ngunit makahulugang pagpapakita ng kasiyahan ngunit minsan sa likod ng bawat ngiting ito'y isang pusong may kalungkutan.

Ngunit kahit na ang puso'y puno ng pighati huwag sanang makalimutan na ang buhay ay may kagandahan. Natural na tayo'y masaktan at umiyak sapagkat tayo'y tao. Hindi tayo bato upang hindi makaramdam.

At kapag handa na uling bigyan ng kulay ang buhay ay matutong ibalik ang ganda ng ngiting laging nababanaag sa salamin.

kristel anne bernaldez said...

Laging magkakambal ang saya at lungkot. Hindi natin tunay na mararamdaman kung gaano kasaya ang salitang msaya kung hindi tayo nakaranas ng lungkot. Ngumiti lang tayo sa oras na tayo'y nkadadama ng lungkot. Isipin natin na ang buhay ay hindi lang puro saya at hindi rin puro lungkot. Ang pagngiti simple man at napakadaling gawin mabisa itong lunas upang mabawasan ang bigat ng loob natin

Mariz Paculanan said...

Sa buhay ng tao, laging may mga pagsubok ang darating may mga problema at punong-puno ng pagsubok na dapat nating harapin. Harapin dapat natin ito dahil pagkatapos ng mga paghihirap, may saya. Ika nga, "ang buhay ay weather weather lang" asahan mong may mga bagyong pwedeng dumatin or mga sunny days sa buhay mo at kahit anu mang bagyo ang dumating sayo dapat ngumiti lang wag isipin masyado ang problema kasi mas lalong dadami ang problema mo. ^-^

Claresille Ladao said...

Habang binabasa ko ang tula , nagtataka ako kung bakit ISEM yung pamagat buti na lang pinaliwanag sa dulo kaya naintindihan ko yung kinalaman nito sa tula . Nais sabihin ng tula na wag simangutan ang prolema bagkus ngiti lang kaharap niyan :))

marie lyca dela cruz said...

Sa una, mahirap unawain ang tula dahil nagawang itago ng may-akda ang mensahe sa pamamagitan ng malalalim na salita. Ngunit kung pakasusuriin, malinaw ang mensahe nais nitong ipahayag, na sa bawat pag-ngiti ay maaaring may tinatagong kalungkutan sa loob.
At nabatid ko rin sa akdang ito ang tunay na kahalagahan ng pagngiti, hindi lang para sa sarili kundi para rin sa iba..

Gerald Aloc BSA 1-15 said...

Kahit gaano kabigat ang ating problema matuto lang tayo ngumiti upang makapagisip tayo ng mabuti at solusyon sa problema...:)

Jarrel Malimban said...

Minsan ay ngiti na lang ang solusyon lalo na kung tayo'y nahihirapan o nasa isang pagsubok, para bang isang lagok ng tubig sa ilang milyang tinakbo natin.

jesse del rosario said...

malaki ang naitutulong ng pag-ngiti sa ating pang araw-araw na buhay. gaano man kadilim at katamlay ang mga pagsubok ng ating buhay, gamit ang isang ngiti, magkakaroon ng kulay ang ating buhay.
'' SMILE Lang''
again..
''SMILE Lang''
isa pa? haha

Michael Joseph Tapit said...

ang ngit ay isang ekspresyong nakakapagpapagaan ng mga problema kagaya na lang ng finals na katakot-takot

Stephen Zion Macaraeg said...

hindi masamang tangapin ang mga mapait na parte ng ating buhay dahil wala tayong magagawa kundi tangapin ito ^_^

Camille Nicole Sanchez said...

maraming tao ang mga nakakaugnay sa tulang ito kaya karapa't dapat na ito'y ibahagi sa iba.

Manuel Joseph Servando said...

Ang pagngiti ay wag alisin sa ating mga mukha kahit may mga problemang dumadaan sa ating buhay dahil sa simpleng pag ngiti ay nababawasan ang ating mga problema :)

Rhian Bitoin said...

Ang pagngiti ay isang simbolo ng pagiging positibo sa buhay. Pag naging positibo ka na sa buhay, lahat ay biglang magbabago - lahat ay mangyayari ayon sa iyong gusto, kaya, smile laaaang. :D

jell tan said...

Ang akda ay tila bagang nagsasaad na ang ngiti o ISEm ay may napakalaking bahagi sa ating buhay :)
May mabigat na problema man tayong kinakaharap marapat lamang na saluhan ng pag ngiti ang mga bagay-bagay na sa ating palagay ay isang napakahirap na bagay. Halimbawa na lamang ngayon , halos napakarami sa aking mga kaklase ang ilang araw ng walang tulog ng maayos,tulad ko sila rin ay sa malamang namomoblema sa aming mga kailangan na ipasa , pero ganun pa man pinipilit namin na ngumiti , at manghawa ng ngitki sa iba , dahil naniniwala ang ABE 1-1 na kami ay AWESOME at matatapos namin lahat ng ito ng may kasamang NGITI/ISEM :D

Cess said...
This comment has been removed by the author.
Cess said...

Ang ngiti ng kahapon ay mahirap daw kalimutan.

Princess Dianne A. Yap
BS Psychology 1-4

Marvyn Jason Velasco said...

Ang ngiti ng tao ay espesyal. Marami itong nagagawa. Nakakapagtago ng emosyon na ayaw nating ipakita. Mahalaga dahil ito't nagbibigay ligaya sa mga gustong makapagpagawa nito sayo. Marami tayong makikita sa tulang ito, parang ang ngiti ng bawat tao. :)

chaii Lee said...

Ang ngiting nakapaskil sa mga mukha ng tao ay may ibat ibang kahulugan na tanging sarili lamang ang makakaalam .

Patricia Mae Rabino said...

Maraming uri ng ngiti sa buhay ng isang tao ngunit kadalasan sa likod ng mga ngiti na ito ay ang napakaraming masasakit na damdamin.Ganun pa man iisa lang ang gustong iparating nito ,ito ay ang gaano man kasakit o kasaya ang mga nagngyayari sa buhay mo kailangan mo lang itong tanggapin ng bukas sa loob upang maging magaan ang iyong damdamin kaya KEEP ON SMILING...!!!!!

Geleen Gail Inocencio said...

Ang ngiti ay ang isa sa mga pinakamapag panggap na gawain sa mundo. Maaari ka ngang ngumiti pero sa kabila nito ay ang sakit na hindi mo maikubli. Depende sa tao yun kung napapahalagahan niya ang ngiti at syempre ang taong ngumiti sa kanya. :D